Zsa Zsa Zaturnnah Ze Moveeh: Nakakaaliw ‘to Bakla!

Nanonood ka ba ng mga sine kapag may Metro Manila Film Festival (MMFF)? Hinde? Nako Pinoy ka ba? Hahaha~ charot lang. If maka-MMFF ka aba mabuti yan kasi ang review na ito ay isang bonggang pelikula na kasali sa MMFF noong 2006!

Grabe ang tagal na nun pero ngayon ko pa lang napanood ito. Salamat sa Regal Films, YouTube at sa quarantine kaya libre na nating napapanood ang maraming sineng Pinoy. Bihira lang kasi ako manood sa sinehan simula noon pa kaya hanggang libreng nood lang ako madalas. (Salamat talaga sa internet. πŸ₯°)

Paalala: Kung di niyo pa nababasa ang komiks or napanood ang theater play at ang sine, panoorin niyo muna yung sine kasi may mga spoilers ang review ko.

Zsazsa Zaturnnah ze moveeh poster

πŸ”Έ Mga Pangunahing Tauhan πŸ”Έ

β—™ BB Gandanghari bilang Adrian o “Ada”

Isang bading na hairdresser na bigo sa pag-ibig.

β—™ Zsa Zsa Padilla bilang Zsa Zsa Zaturnnah

Nagmula sa kalawakan, siya ang bidang alien sa pelikulang ito.

β—™ Chokoleit bilang Didi

Ang matalik na kaibigan ni Ada.

β—™ Alfred Vargas bilang Dodong

Ang love interest ni Ada.

β—™ Pops Fernandez bilang Queen Femina

Ang ultimo kontrabida mula sa Planetang XXX.

πŸ”Έ Full Trailer πŸ”Έ

πŸ”Έ Buod πŸ”Έ

Isang bading na may-ari ng parlor (parlorista) ay nabigo sa pag-ibig kaya lumipat siya ng probinsya kasama ang kaniyang pamangkin para malimutan ang kabiguan. Pagdating doon ay nagtayo ulit ng bagong parlor at nagsimula muli.

Minsan nang siya ay kumakanta habang naliligo, biglang may malaking batong tumama sa kanya mula sa kalawakan. Nilunok niya ito at isinigaw ang nakaukit sa bato. Dahil doon naging babaeng superhero na siya na naging tagapagtanggol ng mga ka-barrio niya laban sa mga halimaw at mga alien.


πŸ”Έ Pagsusuri πŸ”Έ

Matagal ko nang naririnig ang mga papuri ukol sa komiks na Zsa Zsa Zaturnnah. Mahilig ako sa komiks mula nung bata pa lang ako pero sa kung anumang dahilan hindi ko nabasa kailanman ang sikat na graphic novel na ito. Masyado na siguro akong lulong sa trabaho, haha. Sino ba naman ang may oras pang magbasa-basa ng komiks kung kelangan mong kumita ng pera ‘di ba? πŸ˜…

Anyway, so eto na nga, sapagkat napakaraming sineng mapapanood ng libre sa YouTube ngayon dahil may quarantine e di nood naman ang lola nyo. Ang saya manood pag marami kang oras eh. Mas masaya manood pag stressed ka at naghahanap ka ng pampasaya sa buhay. E di dahil nanood ako ng isang sine ng Regal Films, naisip kong magtingin pa ng ibang mga sineng mapapanood. Uy wow nakita ko yung Zsa Zsa Zaturnnah. Haha. Akalain mo yun, mahigit sampung taon na pala nakalipas ngayon ko pa lang pinanood.

May mga nagsabi na maganda rin naman yung sine. Duda ako nung una siyempre kasi nako utak kolonyal alam mo na. Pero siyempre di naman sisikat ang isang bagay kung walang mga taong nagkagusto sa pagkakagawa atbp., di ba? O di pinanood ko pa rin kasi nga maraming pumupuri sa komiks na Zsa Zsa Zaturnnah at nagkaroon pa ng theater musical kaya bakit di ko nga panoorin at nang malaman ko na kung totoo ba sinasabi nila. Ayun pinanood ko. Akalain mo ang dami kong itinawa. Haha.

Nagandahan nga ako kaya eto kahit nagkandapuyat-puyat na ako kakasulat nito e binabasa mo na ang pagsusuri ko sa Zsa Zsa Zaturnnah Ze Moveeh sa wikang Filipino (Tagalog). Waw. Ano ka ngayon? Hahaha. (May pasok pa ako sa office bukas enebeeeh.)

β—™ Mga Tauhan at Kwento

Sabi ng iba, parang si Darna rin itong si Zaturnnah. Bakit? Siyempre lulunok ka ng mahiwagang bato tapos isisigaw mo yung pangalan ng bida at ayun superhero ka na. O ‘di ba? Ganun din si Zaturnnah, lumulunok nga lang ng MALAKING BATO si Ada saka nagiging malakas na babae dahil may supernatural powers. E di siya na ang Darna ng mga vaklush. 🀩

Tamang-tama pala ang sineng ito nung mga panahong hindi pa nagpapalit ng katauhan si Bb Gandanghari. Kilala pa siya bilang Rustom Padilla nung ginawa ang pelikula. Bagay naman sa kanya ang pagganap bilang si Ada.

Image by PEP

Maganda ang pagkakalahad ng kwento. Nakakaaliw, nakakatuwa at siyempre nakakaiyak din. Mas maraming beses akong napatawa ng mga pinaggagagawa nila kesa napaiyak. Haha~ Siyempre hindi naman perpekto yung sine. May parts na wala lang, sige lang panoorin na lang pero overall masaya naman ako at napanood ko ang Zsa Zsa Zaturnnah Ze Moveeh.

Sa totoo lang nagulat ako kasi may mga kanta-kanta pala itong sine na’to. Musical din pala at may production numbers na uso noong dekada ’80. Di ko kasi pinanood muna yung trailer and wala nga akong alam maski sa komiks or theater play versions. Maski movie reviews wala pa ako binasa before ko panoorin kaya naaliw ako manood.

Siyempre alam ko lang nung una e bading ang bida at superhero pa. Sa pagkakaalam ko, perstaym in history na may ganitong kwento tayo uy. Buti na lang maganda ang pagkakakwento talaga. Hindi ka mandidiri, maiinis o maiirita bagkus kikiligin ka pa sa pag-iibigan ng dalawang lalaki habang nanonood ka. Akalain mo yun? Haha. Iba na kasi ang panahon ngayon talaga eh.

Tapos ang reynang alien kontrabida nagi-Ingles aba aba!? Hahaha~ May British accent pa e di wow bongga. πŸ˜†

Queen Femina (Amazonista)
Queen Femina of the Amazonistas

Okay ang concept ng sine (na galing sa komiks shempre) kasi ang bida ay bakla na nagiging superhero. Never before nagkaroon ng ganyang istorya sa Pilipinas at sa ibang bansa uy. Tapos nasa probinsya pa ang setting, tamang-tama para mapakita rin gaano kaganda ang bansa natin. At yung premise ng kontrabida, ay ‘day, maiintindihan mo bakit naging mga kontrabida. Naging sobra naman kasi sa planeta nila kaya ayun puno ng poot nga daw ang puso. Hehe.

At alam niyo ba, sila Pops at Zsa Zsa ay nasa early 40s na nung ginawa nila ang Zsa Zsa Zaturnnah ze Moveeh! Ang galing di ba? Life does not stop at 40 indeed! Wag tayong magpaka-oldies kung di pa naman tayo mukhang matanda ano. Gayahin natin sila. haha~ Siyempre nasa 50+ na sila ngayon pero di ba bongga sila to have played such roles sa edad nilang iyon.

Sa totoo lang nakakabitin ang pelikulang ito. Maganda nga sana kung may Part 2 kaso mahigit sampung taon na ang nakalipas. Di na pwedeng parehong mga artista ang gumanap sa mga karakter. Tsaka RIP na si Chokoleit kaya wala nang original sidekick si Zaturnnah if ever. Ibang mga artista na ang gaganap kung gagawan nila ng katuloy ang sineng ito. Sayang di masyadong dinumog sa sinehan noon pero ok lang, nakakaaliw pa rin panoorin.

Kudos pa rin kay Carlo Vergara, ang nakaisip at may gawa ng komiks na pinagmulan ng pelikulang ito, at sa mga nag-produce na rin. Lahat ng taong bahagi ng paggawa nito dapat kayong palakpakan. Hindi madali gumawa ng live action fantasy story on a tight budget ha. As far as I know you all did the best you could kaya good job sa inyo.

β—™ Pag-arte o Pagganap

Aba e magaling pala umarte ni Ms. Zsa Zsa Padilla. Napapanood ko rin naman siya sa ibang sine pero dahil di naman ako madalas manood ng pelikulang Pilipino aba bibigyan ko siya ng award. πŸ˜† Akalain mo yun napaiyak niya ako sa isang eksena. Wow. Kahit kumakanta siya habang umaarte I’m sure napaka-relatable ng scene na iyon para sa mga bakla, tomboy at mga taong di tanggap ng kanilang mga magulang. Siya na ang best actress ng pelikulang ito para sa akin. Hehe.

Wala rin naman akong mairereklamo sa pagganap ng ibang tauhan. Lalung-lalo na, bagay na bagay kay Bb Gandanghari ang pagganap bilang isang baklang hairdresser. Nakakaaliw at nakakatawa sila panoorin. Kapanipaniwala din naman ang kanilang pag-arte.

Bagay na bagay si Dodong at Ada at maiinggit ka pa sa kanila kung wala kang jowa. πŸ˜† Ganun sila kagaling umarte huy. Halos lahat ay hindi OA. Natural na natural ang pagpapatawa nila at pagganap bilang mga tauhan sa pelikula. Di gaya nung unang sineng pinanood ko, jusko nagpapakahirap eh. Wala ka pang maramdaman sa pag-iyak nila. Batikang mga aktres na yung iba pero wala eh. Kaya buti na lang napanood ko itong Zsa Zsa Zaturnnah kasi hindi ako nadismaya sa kalidad ng pag-arte. Siyempre may ilang mahahalatang hindi masyadong magaling umarte pero pabayaan na natin sila, di naman sila ang bida sa sine.

β—™ Sinematograpiya/CGI, Disenyong Pamproduksiyon at Tunog pati Musika

Naku ‘day, yung costume pwedeng pwede, bagay na bagay sa sineng ito. Haha~ Pinoy na Pinoy with a touch of beauty pageantry at syempre kabadingan. Ahluvet. Alam na alam natin na ang mga bading ay magaling gumawa ng costumes nila di ba? Well at least makukulay palagi ang mga sinusuot nila lalo pag ang trabaho nila ay magpatawa sa mga comedy bars o kaya naman ay pag sumali sa mga Ms. Gay pageants.

Amazonistas from Planet XXX.
Amazonistas from Planet XXX via Regal Entertainment, Inc.

Simple lang naman yung mga suot ng mga kontrabida at bida pero nagawa nilang paangatin dahil makulay talaga. Samantala, yung Computer Generated Imagery o CGI naman eh mapagtityagaan na. Remember nung 2006 pa ito at alam nyo naman laging kulang sa budget at tipid dito sa Pilipinas.

(Ang alam ko hindi kasi natin binibigyan ng malaking budget ang paggawa ng mga sine natin kahit noon pa. Di gaya sa US naku wagas ang gastos para makagawa ng magandang pelikula kaya naman ayun ang daming nanonood. Jusko ang mga extra sa pelikula nga parang ano lang kung saan-saan lang tumatambay at natutulog dati sa kakahintay ng konting eksena. Naku alam na alam ko yan. Okay teka napapalayo na tayo sa usapan, haha.)

Yung CGI ok na rin, hindi naman masyadong pangit, sakto lang at pasok pa rin sa kwento. Ang mga special effects okay lang. Hindi bongga pero hindi rin nakabawas sa istorya kaya pansinin na lang natin yung mga costume na makulay. Haha. Typical Pinoy costume design. Hindi ko sure kung kapareho mismo ng mga suot ng mga Amazonistas sa pelikula ang nasa komiks pero gusto ko yung parang Sailor Moon ang dating pati na yung may transformation sequence pa sila. Ay parang Bioman, Ultraman or Power Rangers ang datingan pero mga kontrabida. Haha~

Kung naghahanap ka ng high class ‘day wag ito panoorin mo. Pang-masa po ito kaya ang quality pang-masa rin ang dating para relate. Wag tayong masyadong ano. Haha~ low budget kaya wag mag-expect masyado.

Ang di ko lang mahanap o malaman e kung saan ung set location nila ng mga eksena sa probinsya. Kasi may ilog tapos may mga bundok. Aba huy pwedeng gawing tourist attraction yung lugar abah bakit hindi ano? Maganda yung nature setting nila in fairness.

Ang fight sequence okay rin naman. Hindi naman katawa-tawa at all kahit kwarenta na yung bida at kontrabidang artista hindi masyadong halata uy. Parang totoo na rin naman kahit papa’no kahit parang may kulang na sound effects sa mga sapak or sipa. Ewan pero basta yun. Maganda naman pagkaka-direct. Tsaka yung mga zombie na nakalutang sa ere, aba now lang ako nakakita ng ganun. hahaha~ Mumu na zombie pa. Combo monster itey!

Ang pinakagusto ko sa lahat maliban sa kwento at mga tauhan ay ang mga kanta. Di lahat pero paborito ko yung “naging babae na daw siya”. hahaha~ Kaya yata naging musical ‘to kasi mga singer ang bida at kontrabida? Summady care to share more details?

Anyway, kung bet mo panoorin yung ASAP production number ng sine eto na lang. Low quality video lang meron sa YouTube pero keribels na rin.

I’ve yet to see the actual musical so as of now ok na ako sa sine.

β—™ Rating

So, ngayon, overall ano ang tingin ko sa sineng ito? Hatiin natin sa tatlo para malaman natin.

  • Characters & Story: 8
  • Acting: 10
  • Cinematography/CGI, Production Design and Sound & Music: 8

Final Rating: 8.7

Well, gaya nga ng sabi ko kanina, hindi naman perpekto ang sineng ito. Subalit dahil nagandahan talaga ako e matapos kong mapanood ay isinulat ko ito at saka ako nakabasa ng ibang review tungkol sa pelikula na’to.

Yung mga nanlilibak sa kalidad ng Zsa Zsa Zaturnnah Ze Moveeh masyado lang maarte. Di sila yung target market kaya di sila maka-relate. hahaha~ Ang masasabi ko lang, ito ay para sa mga taong mahilig sa pantasyang genre na sine tsaka yung mahilig sa patawa at mga kanta. Kwento, kanta at katatawanan panalong panalo talaga.

Hindi lang mga bata ang mag-eenjoy manood nito, pati na rin matatanda. Actually pampamilya naman ito at dahil iba na ang panahon ngayon, mas maiintidihan na ng mga bata na may mga taong napapaibig sa kaparehong kasarian. Kahit bawal ito sa mata ng Diyos, kayo na ang bahalang magpaliwanag sa mga bata ano po? Matatanda naman na tayong lahat para malaman kung ano ang mga dapat ituro sa mga bata. 😁

General Patronage pala ang sine na ito according sa isang forum tungkol sa pelikula noong ipinalabas ang Zsa Zsa Zaturnnah ze Moveeh. πŸ˜ƒ Maayos naman kasi talaga ang lahat, walang laplapan dito okay. Merong walang mga tshirt na mga lalaki tsaka mga seksing costume pero hanggang dun lang, walang bastusan dito kaya gow lang mga bes! Nood na nito sa YouTube habang libre pa kung di nyo pa napanood. O kaya naman e bili na ng original DVDs and suportahan natin ang industriyang pampelikula ng Pilipinas. Gowww!

So kayo ba ano tingin nyo sa sineng ‘to? Nagandahan ka rin ba o iba ang trip mo? Share nyo lang sa comments kung ano masasabi nyo.

Don’t have a WordPress blog/site yet? Sign up now.

Share what you think

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.